Botante
Iyong minarkahan ko sa balota
hindi naman lahat kasama
sa pinagsasama-samang boto
ng aking mga katoto.
Iyong pinaniniwalaan kong
magliligtas sa bayan
ay siyang pang naligwak agad
at mga hindi pinalad.
Iyong sa karanasan ay hitik
ay ‘di na pala batayan ng pagpili
kasikatan at mga patalastas
sa madla’y mas kagila-gilalas.
Iyong sa dami ng komersyal
ay LSS ka na kung sa kanta
ang siyang mas nananalo
aba, tama ba ito?
Iyong mga tao daw naman
ay hindi rin masisisi
sara ang isip at salat sa edukasyon
sa dapat iboto tuwing eleksyon.
Iyong ba naman daw kasi
nadadala sa binibigay na salapi
paano nga nama’y naghihirap sila
masama bang tumanggap ng biyaya?
Iyong mga ganya’y ‘di na mawawala
kaya sana’y huwag ka nang dumagdag pa
makialam, manaliksik, mamahagi
balang araw, ang tama’y magwawagi.