Parang kailan lang pala, Edoy, nang huli tayong nagkita.
Maulan na naman noong hapon na iyon, gaya ng mga nakaraang araw. Palala nang palala ang sunud-sunod na mga bagyo sa bansa. Malamig at may dalang malungkot na damdamin ang paligid, kasabay ng malakas ring hangin na lalo pang nagpapawi ng natitira pang saya sa malungkot nang panahon.
Kasama kitang naghihintay sa may hindi kalayuaang kainan. Pareho lamang tayong hindi umiimik. Sa gitna ng pananabik, nangingibabaw ang magkakaibang damdamin—saya sa muling pagkikita, inis sa mga napag-usapan, pagkabagot sa tahimik na pag-upo natin sa isang upuang pandalawahan sa dulong bahagi ng kainan, kaba sa mga maaaring mangyar, at lungkot sa napipintong paglisan matapos ang saglit na pagkikita. Sinubukan kong pawiin ang katahimikan sa mga sandaling iyon, pero naisip ko, wala na nga talaga siguro. Dito na nga siguro magtatapos ito.
Ang malalakas na ulan, sabi nila, nakakapagdala raw ng malungkot na presensya sa atin. Sa tuwing uulan, mas gusto natin na manatili sa isang sulok kung saan tayo pwedeng magpakatotoo, ilabas ang lahat ng pighati, at iwanan pansamantala ang mundo upang sariwain ang bawat masakit na alaala. Sa tuwing uulan, kasama sa malalaking patak at malakas na buhos nito ang mga alaalang mas pinili nating huwag nang alalahanin pang muli.
Pero hindi ba’t masarap rin alalahanin tuwing uulan ang mga masasayang karanasan. Ako, sa tuwing umuulan, naalala ko ang una nating pagkikita. Naalala ko ang pagtatampisaw natin sa ulan, ang mga biruan, ang mga pinupuntahan natin nang magkasama, at ang mga bagay na nagpapaalaala sa akin ng ating mga pinagsamahan. Lahat iyon, sa tuwing umuulan, bumubuhos lahat kasama ng tubig mula sa kalangitan.
At totoo, masakit pala ang kaligayahan, Edoy.
Gusto kong bumalik sa mga araw na iyon. Gusto kong paulit-ulit na maging masaya kasama ka. Gusto kong hindi na umalis sa mga araw na ikaw ang kahulugan ng aking kaligayahan. Gusto kong paulit-ulit na magtampisaw sa ulan. Bumagyo man o magkasakit tayo, ayos lang. Ang mahalaga, muli kitang nakasama sa mga sandaling kinakalimutan natin ang problema.
Pero sa ngayon, iba na siguro ang kahulugan ng kaligayahan.
Sa tuwing naalala ko iyon, ang totoo, kasama ng mga ngiti ko ay ang sakit ng iyong pagkawala. Higit pa rito, ang damdamin mo ang lumayo sa akin. Habang kasama kita, ang damdamin mo ay naglalakbay palayo sa akin. Higit na masakit ang patuloy na makipag-ulayaw sa isang taong hindi mo na kilala.
Aalis muna ako. Lalayo sa pighati ng ating kaligayahan. Iiwanan kitang sumasabay sa agos ng bahang patuloy na maglalayo sa atin. Huwag kang lumaban sa agos upang patuloy lamang na matangay nito. Sumunod ka lamang sa dapat mong puntahan. Asahan mo, balang araw, makakalimutan mo rin ako.
Ako naman ay patuloy pa ring lalayo. Sa aking palagay, dito tayo magiging totoong masaya. Kapalit ng bawat sakit ay ang pag-asa sa totoong kaligayahan.
Kung hindi ako sasaya ngayon sa aking paglayo, o kung hindi man ako sasaya kailanman, siguro, babaguhin ko na lang ang kahulugan ng kaligayahan, para kahit papaano, sumaya naman ako.
Kahit papaano, sasaya rin siguro ako nang malayo sa’yo.
~Iking
[kasunod ng 01]